© Mathilde Charlet
Tungkol sa atin
Mula sa simula, layunin ng ATE Co na makapagbigay ng solusyon na angkop, abot-kaya, at pangmatagalan sa mga pamayanang naghihirap; mabawasan ang hindi pagkapantay-pantay sa larangan ng elektrisidad; at mapabuti ang buhay ng mga tao.
Upang makamit ng ATE Co ang kanilang layunin, apat na haligi ang sumusuporta sa kanilang pang-araw-araw na gawain: mga produktong mataas ang kalidad, abot-kaya, at magaan ang pagbayad; pagtataguyod ng mamamayan; pagpapatibay ng kakayahan; at pagsusuri sa komunidad.
Itinayo ang ATE Co (Access to Energy for Communities) ng isang Pranses na NGO––ang Entrepreneurs du Monde (EdM)––noong 2015, bahagi ng kanilang pandaigdigang stratehiya. Pagkaraan ng ilang dekadang pagbibigay ng microfinance (o tulong pinansiyal) sa mga impormal na komunidad, natuklasan ng EdM ang kanilang malaking pangangailangan ng elektrisidad.
Sa masisikip na lugar sa Maynila kung saan matindi ang kahirapan, maraming kabahayan ang walang elektrisidad. Dahil kulang ang kanilang kita o hindi nila maibigay ang mga kailangan upang makabitan ng kuryente, maraming nakakonekta sa paraang mapanganib at hindi legal. Mataas ang bayad nila, madalas silang mawalan ng kuryente (brownout), at laging may banta ng sunog. Kadalasan, napipilitan silang gumamit ng kandila, gas, at iba pang mapanganib na gamit upang magkaroon sila ng ilaw sa bahay, o pansamantalang ilaw kung may brownout o maputulan sila ng koneksiyon.
Nagsimula ang ATE Co sa mga pinakanangangailangang lugar ng Tondo, Metro Manila. Noong 2015, gumawa sila ng pag-aaral upang mas malaman nila kung ano ang mga pangangailangan sa elektrisidad at kung magkano ang kayang ibayad ng mga pamilyang hindi regular ang kita. Nagdulot ito ng unang modelo: ang isang tahanan ay maaring umarkila ng bateriya at ilaw sa halagang 15 piso isang araw. Ang mga “field officers” ng ATE Co ay pupunta sa komunidad araw-araw upang palitan ng kargadong bateriya ang bateriyang ubos na at mangolekta ng bayad. Sa ganitong paraan, nagkaroon ng kuryente ang mga kabahayan sa loob ng 24 oras.
Pagkatapos isagawa ang proyekto ng ilang buwan sa komunidad ng Isla Puting Bato––kung saan ang mga tirahan ay nakatayo nang walang pahintulot sa gilid ng isang pangkalakal na pantalan, at ang ilang bahay ay nasa dagat na mismo, lumabas ang mga limitasyon ng proyekto, lalo na sa pagpapalakad nito at sa sistema ng pagpa-arkila. Ngunit naipakita ng unang modelong ito na maaring maabot ang pinakanangangailangan sa pamamagitan ng araw-araw at maparaang pagkolekta ng bayad. Kaya isang bagong modelo ng pagpapamahagi ng elektrisidad ang isinagawa—hindi na gagawin ang araw-araw na pagpapalit ng bateriya kundi magkakabit ng mga “solar kits” sa bawat bahay na araw-araw din babayaran.
Unang sinubukan ang bagong modelo sa isang komunidad na di-kalayuan sa Smokey Mountain, ang dating tambakan kung saan libu-libong tao ang naghanapbuhay sa pangangalaykay. Sinimulan ng ATE Co ang isang simpleng modelo na “rent-to-own” kung saan maaaring magkaroon ng ilaw at kuryente ang mga tao sa pamamagitan ng pagbayad ng mababang halaga araw-araw, hanggang sila na ang magmay-ari ng “solar kits”.
Ang bagong produkto ay ang “solar kit” na Sun King Home 60 at kasama nito ay isang sistema na tinatawag na Pay-As-You-Go (una sa Pilipinas). Sa ganitong sistema, nakapagbabayad ang mga tao ng maliit na halaga, katumbas ng isang araw na elektrisidad, nang hindi nangungutang. Kailangan lamang na “prepaid”—ibig sabihin magbabayad muna ng halagang para sa tatlong araw hanggang isang linggo ang mga gustong magkaroon ng “solar kit”. Kapag sumali ang isang tahanan sa serbisyong ito, regular na pupunta ang “field officer” ng ATE Co sa kanila upang mangolekta, magbigay ng tulong sa paggamit at pag-alaga ng kit, at magturo kung paano aayusin ang kit kung may simpleng problema.
© Mathilde Charlet
Mas matagumpay ang proyekto ng ATE CO sa komunidad na malapit sa kanila. Mahalaga ang komunidad at ang mga tao para sa ATE Co, at upang mapalapit ang mga ito sa kanila, kailangan ang tulong ng mga Area Field Officer (AFO)—sila ay nakatira sa mga komunidad upang tumulong sa iba’t-ibang gawain dito. Dahil sa malapit na ugnayan sa mga kostumer, nagkaroon ng malalim na pang-unawa ang ATE Co tungkol sa pangangailangan ng elektrisidad sa mahihirap na komunidad at kung paano ito matutugunan.
Pagkatapos nitong unang proyekto sa lungsod, naglalayon ang ATE Co na mapalaganap ito upang mapaigting ang “pantay-pantay na pagkamit ng elektrisidad na magtatagal, upang magkailaw ang lahat ng pamayanan” sa mga darating na buwan at taon.
Patuloy ang mga pagbabago at inobasyon ng ATE Co, ginagabayan ng kanilang pangmatagalang layunin. Ang serbisyong “solar energy rent-to-own” ay ginagamit na ngayon sa ibang pamamaraan—ang sinumang tao o organisasyon na nais tumulong sa isang komunidad upang ito’y magkaroon ng elektrisidad ay maaaring maging ATE Co partner. Sa wakas, ang nakapagpapasiglang pagkakaroon ng “microgrid technology” sa mga lugar na walang kuryente ay nagsimula na, kasabay ng malalaking plano ng pag-unlad.